Batanes ang boto ng mga netizen sa #CEBFlyMeTo ng Cebu Pacific
Contributors are not employed, compensated or governed by TDM, opinions and statements are from the contributor directly
Maraming magagandang lugar sa Pilipinas, pero kung kayo ang papipiliin, saan ninyo balak pumunta?
Noong Nobyembre nitong nakaraang taon (2017), gumawa ng isang crowdsourcing campaign ang Cebu Pacific sa Facebook gamit ang hashtag na #CEBFlyMeTo. Dito inimbita nila ang mga netizen na sumali sa paggawa ng listahan ng top ten Philippine destinations.
Sa sampung lugar na ito, pinili ng mga netizen ang Batanes bilang kanilang pangunahing go-to destination. Bilang pinakamaliit at pinakahilagang lalawigan ng Pilipinas, kilala ang probinsyang ito para sa mga burol, mabuhanging tabing-dagat, at malinamnam na pagkain. Kilala rin ang mga Ivatang nakatira rito para sa kanilang kabaitan, galing sa sining at pagtayo ng mga gusaling gawa sa bato, at kasaysayan ng katapangan laban sa mga dayuhan.
Kaya lilipad na ang Cebu Pacific araw-araw papuntang Basco, Batanes magmula sa ika-25 ng Marso hanggang ika-27 ng Oktubre ngayong 2018. Tamang-tama ito para sa tag-init, kung kailan banayad ang panahon at walang bagyo sa probinsya. Mapapanood sa official Facebook page ng Cebu Pacific ang pahayag ng budget airline.
Ayon sa pangulo at CEO ng Cebgo, Inc. na si Alexander Yao, ang bagong panlalakbay na ito ay sumasangayon sa kanilang pangakong gawing ligtas, maasahan, abot-kaya at masaya ang air travel sa bansa. Kakaiba raw ang flight na ito dahil ang mga parokyano mismo ng kumpanyang panghimpapawid ang pumili ng kanilang gustong puntahan.
Sa kasalukuyan, may 37 na lokal at 25 na pandaigdigang patutunguhan ang Cebu Pacific. Makikita ito sa pitong palapagan sa bansang Pilipinas: Manila, Clark, Davao, Cagayan de Oro, Kalibo, Ilo-ilo, at ang kanilang pangunahing himpilan sa Cebu.
Makatatanggap ang Cebu Pacific ng bagong sasakyang panghimpapawid sa mga darating na buwan. Mula 2018 hanggang 2022, may parating na pitong Airbus A321ceo, 32 na Airbus A321neo, at walong ATR 72-600 aircraft para sa kumpanya.
Comments are closed.